13/05/2021
Pagkaing Espirituwal Ngayong Biyernes. Mayo 14, 2021
Pamagat: Banayad na Pagtutuwid
Ibinigay sa atin ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at katotohanan ay napasaatin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Juan 1:17
Basahin: Juan 4:7-15, 28-29 (Ang Salita ng Dios)
7-8 Tumuloy naman ang mga tagasunod niya sa bayan upang bumili ng pagkain. Habang nakaupo si Jesus, dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede bang makiinom?” 9 Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Judio at ako ay Samaritano, at babae pa. Bakit po kayo makikiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.)
10 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Dios, at kung sino ang nakikiinom sa iyo, baka ikaw pa ang manghingi sa akin para bigyan kita ng tubig na nagbibigay-buhay.”
11 Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay?
12 Higit pa po ba kayo sa ating ninuno na si Jacob na humukay ng balong ito? Siya at ang mga anak niya, pati ang mga hayop niya ay dito umiinom noong araw.”
13 Sumagot si Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw,
14 pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.”
15 Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumarito para umigib.”
28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga taga-roon,
29 “Halikayo! Ipapakita ko sa inyo ang taong alam na alam ang lahat ng ginawa ko! Maaaring siya na nga ang Cristo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.
Minsan, sinuri ng aking g**o sa pagpipinta ang aking iginuhit. Isa siyang magaling at propesyonal na pintor. Inaasahan ko na sasabihin niyang hindi maganda ang pagkakapinta ko pero hindi niya iyon sinabi. May karapatan siyang punahin ang aking gawa pero naging maayos ang pagsasabi niya ng mga dapat ko pang ayusin sa aking ipininta.
May karapatan naman si Jesus na pumuna sa tao dahil perpekto Siya. Gayon pa man, hindi ginamit ni Jesus ang 10 Utos para hatulan ang babaeng Samaritana na nakausap niya. Kahit makasalanan ito, sinabi lang ni Jesus ang nalalaman niya tungkol sa babae. Dahil sa banayad na pagsasalita ni Jesus, napagtanto ng babae na ang kanyang paghahanap ng kasiyahan ang naging dahilan para mahulog siya sa pagkakasala. Inihayag naman ni Jesus na tanging Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay na kasiyahan na pang walang hanggan (JUAN 4:10-13).
Mararanasan din natin bilang sumasampalataya kay Jesus ang Kanyang kagandahang-loob at ang katotohanang magtutuwid sa atin tulad ng ipinakita Niya sa Samaritana (1:17). Ang Kanyang kagandahang-loob ang papawi sa panghihina ng ating loob dahil sa bigat ng ating kasalanan. Ang katotohanan naman ang magsasabi sa atin na hindi naman natin dapat balewalain ang kasalanan.
Maaari nating hilingin kay Jesus na ipakita sa atin kung saang aspeto pa ng ating buhay ang kailangan pang patatagin para mas matularan natin Siya.
- Jennifer Benson Schuldt
Panginoong Hesus, tulungan N’yo po ako na tanggapin ang Inyong pagtutuwid at tanggapin rin ang pagpapalakas Ninyo ng aking loob.
React, Share, and post your reflections.
Follow us on Twitter: twitter.com/odbpilipinas
and on Instagram: instagram.com/ourdailybreadpilipinas
Visit filipino-odb.org to learn more about Our Daily Bread Ministries and our resources
Copyright © 2021 Our Daily Bread Ministries, All rights reserved.
Disclaimer: Please note that internet browsers and online platforms may have built-in translation features that may inadvertently change the meaning and overall thought of our content.