08/11/2026
Sa panahon ngayon, napakahirap magnegosyo.
Mataas ang presyo ng supplies, mahal ang kuryente, at kung minsan, mas malaki pa ang overhead expenses kaysa sa kinikita ng negosyo.
Marami tayong nakikitang negosyong nagsasara. May ilan namang napipilitang magbawas ng gastos para lang makasurvive. Halos lahat ay apektado sa sitwasyon ngayon.
Kaya para sa mga napagod, nawalan ng pag-asa, at pansamantalang sumuko dahil sa bigat ng pinagdadaanan, okay lang na magpahinga muna. Huminga, mag-refresh, at bigyan ang sarili ng pagkakataong makabawi.
At para naman sa mga small business owners na nandito pa rin, patuloy na lumalaban kahit mahirap ang sitwasyon, kapit lang tayo.
Hindi naman lahat ng araw ay ganito. Hindi permanente ang hirap na pinagdadaanan natin ngayon. May mga panahong halos wala tayong kinikita, may mga araw na puro gastos at problema ang kaharap natin. Pero bahagi talaga iyon ng pagnenegosyo.
Naniniwala ako na darating din ang araw na unti-unting magiging maayos ang lahat. Babalik din ang sigla ng negosyo at muling darating ang mga panahong mas maganda kaysa ngayon.
Sa ngayon, huwag muna tayong sumuko. Magpahinga kung kinakailangan, mag-adjust kung kailangan, pero huwag kalimutang mangarap at maniwala ulit.
Sa lahat ng small business owners, saludo ako sa inyo. Hindi madali ang laban na ito, pero nandito pa rin tayo. Patuloy lang. 💛