16/04/2026
PULIS, NAGPAKITA NG KATAPANGAN SA PAG-RESCUE SA DRIVER MULA SA NASUSUNOG NA KOTSE
Isang mabilis at maayos na pagresponde ng mga kapulisan ang nagligtas sa buhay ng isang driver matapos masangkot sa banggaan ng dump truck at pribadong sasakyan na agad na nagdulot ng sunog, bandang 2:00 AM noong April 12, 2026 sa Flyover Maguikay, MC Briones Street, Barangay Maguikay, Mandaue City.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga pulis na naka-duty sa lugar matapos mapansin ang insidente. Kaagad silang humingi ng tulong sa mga bumbero at medical responders habang mabilis na kumikilos para matulungan ang mga apektado.
Sa gitna ng nagliliyab na sasakyan, matagumpay na nailabas ni Pat Glenn C. Rosales, kasama ang ilang concerned bystanders, ang na-trap na driver ilang sandali bago tuluyang lumakas ang apoy. Kasabay nito, inasikaso naman ni Pat Warren F. Cloma ang pag-secure sa lugar at pag-aayos ng daloy ng trapiko upang maiwasan ang dagdag na aksidente.
Mabilis ding dumating ang mga fire at rescue units na rumesponde sa sunog at tuluyang naapula ang apoy. Habang nagbigay naman ng assistance ang ating kapulisan para sa crowd control at traffic management hanggang sa maging maayos at ligtas ang sitwasyon.
Ang mga sangkot sa insidente ay nabigyan ng agarang tulong, habang ang driver ng dump truck ay dinala sa malapit na ospital. Ang kaso ay isinangguni na sa Traffic Enforcement Unit para sa mas malalim na imbestigasyon.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., “Ipinapakita lamang nito ang mabilis na aksyon ng ating mga pulis. Saludo ako sa kanilang katapangan at malasakit sa gitna ng panganib.”
Nagpaalala rin ang PNP sa publiko na magdoble-ingat ngayong panahon ng tag-init kung kailan mas mataas ang risk ng aksidente at sunog, lalo na sa mga kalsada at sasakyan na maaaring maapektuhan ng init at pagod sa biyahe.
Sa patuloy na malasakit at agarang pagtugon ng kapulisan, patuloy na pinapakita ang diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)