05/03/2026
nandoon ako noong wala kang kasama. noong ang paligid mo ay puno ng tao pero wala kang matawag na sa’yo. noong ang mga kaibigan mo ay abala, ang mundo ay maingay, at ikaw ay tahimik na unti-unting nauupos sa loob.
nandoon ako noong pinipilit mong maging matatag. noong sinasabi mong kaya mo pa kahit anumang oras ay bibigay ka na. napansin ko ang panginginig sa boses mo na pilit mong tinatago sa tawa. nakita ko kung paano ka mapagod at magpanggap na ayos ka.
sa pinaka-marupok mong sandali, hindi ako lumayo. hindi ako natakot sa bigat mo. hindi ako napagod sa pag-intindi. habang ang iba ay naghihintay na maging maayos ka muna bago lumapit, pinili kong manatili kahit magulo ka pa.
nandoon ako noong gabi na halos hindi ka makahinga at makatulog sa dami ng iniisip mo. noong pakiramdam mong mag-isa ka sa laban na hindi mo naman ginusto. hindi man ako ang sagot sa lahat ng tanong, o gamot sa lahat ng sakit, sisiguraduhin kong hindi mo iyon haharapin nang walang katabi.
oo, nandoon ako. hindi bilang bayani o tagapagligtas mo. kundi bilang isang taong piniling manatili kahit walang kasiguraduhan. bilang isang taong nakita ang pinakamarupok mong anyo at yung ikaw na hindi sumusuko.
kung may isang bagay akong sigurado—sa lahat ng panahong pakiramdam mong wala kang kasama, may isang taong tahimik na papakinggan ka.
ako iyon.